Isang Pagtawid
Posted by:
in the category Estudyante Blues
We would like to share with you the Valedictory Speech of Yomkippur Perez delivered at the Graduation Cemerony for the Enrichment Classes of Pathways Batch 8 Participants.
———-
Sa aming mapagpunyaging mga guro, sa aking mga naggagandahan at naggwagwapuhang mga kamag-aral, sa aming maalagang mga magulang, mga pinagpipitagang mga bisita at sa lahat ng nasa loob ng bulwagang ito, isang maganda at mapagpalayang araw sa inyong lahat. Mapagpalaya, hindi dahil nakakulong tayo o dili kaya’y nasisikil kundi dahil lilisanin na natin ang ating dating mundo upang makapagtayo at tahakin ang bagong yugto ng ating buhay.

Noon pong hindi pa ako nakapapasok sa programang ito—ang Pathways, may pagkamahina ang aking loob. Kung minsan, tamad din po akong mag-aral dahil hindi ako masyadong grade conscious. Takot din akong makipagkilala at makihalubilo sa
mga tao at ang pinaka-ayokong ginagawa noon ay ang tumawid sa kalsadang walang pedestrian lane o ni overpass man lamang. Nung minsang nakita nga ako ng aking kamag-aral habang ako’y papatawid, tinawanan niya ako dahil baka pumuti na raw
ang uwak hindi pa rin ako nakatatawid.
Pero ang mga bagay na iyon ay nanatiling noon lamang. Dahil ngayon, dahil sa Pathways, nakatatawid na po ako ng mas mabilis-bilis. Pero hindi lamang pagtawid sa isang sementadong kalsada ang aking natutuhan.
Ngayon natutuhan ko na ring tawirin ang mga mapanganib at naglalakihang kalsada ng buhay. Mas lumakas narin ang aking loob. Natuto na rin akong makipagkilala sa mga tao.
Naging sobrang sipag ko na ring mag-aral dahil medyo naging grade conscious na ako. At kasabay nito ang pagbubukas nang napakaraming oportunidad sa aking buhay.
Dahil advanced lessons ang itinuturo sa amin, mas naging aktibo kami sa klase at nabigyan ng pagkakataong lumahok sa mga pambansang patimpalak—na napananalunan naman namin sa tulong narin ng Pathways.

Isang pagkakataon, nang lumahok kami sa 6th National Science Quest na ginanap sa Calapan, Mindoro may naitanong ang mga hurado sa aming Investigatory Project na hindi namin alam. Ano daw ang atomic number ng elementong Cesium? Mabuti na lang at nakasabit sa leeg ko ang maliit na Periodic Table na ibinigay ng
Pathways. Mabuti rin, pwedeng tumingin sa mga papeles na dala naming. Kaya nasagot namin ang katanungan. Sabi ko tuloy, “Naku, kung hindi pala ako nag- Pathways e di baka natalo kami.”
Kaya napakalaki talaga ng naitulong ng Pathways hindi lang sa akin kundi pati narin sa aming paaralan. Nagkaroon ng mga programa sa aming paaralan dahil sa aming proyekto sa Social Awareness Development o yung SAD. Nagkaroon kami ng
tutorial classes at iba pang mga gawain, bahagi nga nito ang gaganaping Chemistry Camp mamayang hapon.
Dito sa Pathways, hindi lang kami puro aral na halos makabisado na namin ang laman ng mga libro. Hindi lang puro utak ang pinupuno dito ngunit pati ang aming mga puso ay binubusog din. Ang tumulong sa kapwa na matulungan ang kanilang sarili.
Ako’y minsang napaisip, “May talento nga ba ako kasi parang wala?” Pero dito napagtanto ko na mayroon akong talento. Nahubog kami upang maging mga pinuno. Mga pinunong hindi puro utos ang ginagawa ngunit pinaglilingkuran ang kapwa at may pusong mapag-aruga. Mga pinunong hindi nalalaman ang lahat dahil may mga taong nakatakdang ipaalam sa kanila ang mga iyon. Mga pinunong nagsasabing mananalo tayo sa gitna ng isang digmaan kahit triple pa tayo ng kalaban.
Isang beses ng kami’y nagsasanay para sa isang gawaing pampaaralan, nagtanong ang isa kong kaklase, “’Di ka pa ba pagod kanina pa kayo nandito , tirik na tirik yung araw?” Sumagot ako sa isang maliit na tinig, “Hindi pa ako pagod dahil
hindi pa sila pagod, hindi rin ako sisilong hanggang nakabilad pa ang mga kagrupo ko sa araw.”
Ang pamumuno ay pagsasakripisyo. Iyan ang naitatak ng Pathways sa aking isip. Pagsasakripisyo ng mga bagay na napakahalaga sa iyo alang-alang sa kabutihan ng nakararami.
Bukod dito, naturuan din nila akong huwag maniwala sa malas. Nang akin pong isinulat ang talumpating ito, numerong trese ang bilang ko at ito ang nakasulat sa aking papel. Kaya ‘wag po kayong maniniwala na malas ang number thirteen. ‘Wag rin po kayong maniniwala sa suwerte dahil ang mga bagay-bagay na ating natatamasa ay pawang mga biyayang bigay ng Maykapal at pinaglaanan din naman natin ng dugo at pawis. Ayon nga sa isang kasabihan, “Hindi nakagagalak ang bagay na natamo kung hindi pinagpaguran.” At isa pa, madali lang itong tangayin ng hangin
papunta sa kung saan.
Kaya kahit napakatagal kong matawid ang kalsadang lubak, maputik at punung-puno ng mga balakid, na kung minsa’y may bubble gum pa na dumudikit sa aking panyapak, okey lang ang lahat ng iyon dahil may kasiguraduhan ako na sa dulo ng kalsadang iyo’y may bukang-liwayway akong maaabutan. Basta, pagsisikap at pananampalataya lang ang kinakailangan. Umaapaw talaga ang tulong na naibigay ng Pathways.
Nais kong magpasalamat sa aming mga gurong matiyagang nagtuturo kahit parati kaming walang takda, nagpapaalala tuwing kami’y ??late, nagte-text ng schedules, nagbabasa ng pagkahabahabang reflection papers, mga gumagabay sa amin at nagbibigay ng allowance; sa aming mga magulang na nagtitiwala; sa mga ng bumubuo at patuloy na nagtataguyod ng Pathways. At higit sa lahat sa ating Panginoon na hanggang sa araw na ito ay binigyan tayo ngpagkakataong makapagtipon-tipon. Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat.

